Posts

Showing posts from September, 2016

Kung Ibig Mo Akong Makilala by Ruth Elynia S. Mabanglo

Kung ibig mo akong makilala, lampasan mo ang guhit ng mahugis na balat, ang titig kong dagat– yumayapos nang mahigpit sa bawat saglit ng kahapon ko’t bukas. Kung ibig mo akong makilala sunduin mo ako sa himlayang dilim at sa madlang pagsukol ng inunang hilahil, ibangon ako at saka palayain. Isang pag-ibig na lipos ng lingap, tahanang malaya sa pangamba at sumbat may suhay ng tuwa’t ang kaluwalhati’y walang takda–ialay mo lahat ito sa akin kung mahal mo ako’t ibig kilalanin. Kung ibig mo akong kilalanin, sisirin mo ako hanggang buto, liparin mo ako hanggang utak, umilanlang ka hanggang kaluluwa– hubad ako roon: mula ulo hanggang paa.